Natakot ako.
Natakot ako noong nginitian mo ako at sinimulan mo ang ating usapan sa iisang tanong: "Anong pangalan mo?"
Na baka, baka lang naman
Isa nanaman itong simula ng nalalapit na pamamaalam.
Natakot ako.
Natakot ako noong nakilala kita at
noong mas lalo pa kitang kinilala.
Noong araw na iyon, isinaulo ko ang
hugis ng iyong mukha,
ang tinig ng iyong boses,
at kung paano mo ako kinausap,
at nagbabakasakaling baka, baka lang naman,
alalahanin mo rin ang akin.
Natakot ako.
Natakot ako noong ako ang iyong tinakbuhan noong mga panahong sinaktan ka.
Natakot ako na baka,
baka lang naman,
sa kakabigay mo sa akin ng tiwala,
sa iyo ko na rin maipagkatiwala itong pusong nalilinlang at nagiintay.
At ngayon, natatakot ako.
Natatakot ako dahil naipagkatiwala ko na sa iyo itong pusong nananabik sa pagmamahal mo.
Natatakot ako dahil hindi mo alam.
Natatakot ako dahil baka,
baka lang, na kapag nalaman mo,
ang isipin mo lang na ang aking "mahal kita" ay iisang "salamat at andyan ka" lamang.
Natatakot ako
Dahil andyan siya.
0 Comments